Rights and Protections for Temporary Workers - Tagalog

Kung ikaw ay patungong Estados Unidos para magtrabaho o mag-aral, tiyak na magkakaroon ka ng maganda at kapaki-pakinabang na pananatili.  Ngunit, sakaling ikaw ay makaranas ng anumang problema, makasisigurado ka na mayroon kang kaukulang karapatan at makukuhanan ng tulong.  Lahat ng trabahador/empleyado at kanilang employers ay dapat sumunod sa batas ng Estados Unidos at hinihikayat na ireport ang anumang kaso ng pang-aabuso o paglabag sa batas at huwag ring kalimutang humingi ng tulong sa kinauukulan.

Tumawag sa National Human Trafficking Hotline sa kanilang numero na 1-888-373-7888 o bisitahin ang humantraffickinghotline.org kung ikaw ay namamaltrato o nasa sitwasyong hindi ligtas.

Wilberforce Collage Image.png

Kasama ng impormasyong ito ang numerong kailangan mong tawagan at iyong karapatan bilang nagtratrabaho o nag-aaral sa ilalim ng nonimmigrant visa.  Nakalista din dito ang mga mahahalagang tips habang ikaw ay nasa Estados Unidos, gaya ng pagrekord ng oras na iyong trinabaho at pagtago ng iyong pasaporte/travel documents sa isang ligtas at accessible na lugar.  Ang gobyerno ng Estados Unidos ay nagbibigay ng impormasyon at isinusulong ang William Wilberforce Trafficking Victims Protection Reauthorization Act (Public Law 110-457), na siyang nagpapatibay sa adhikain ng gobyerno na labanan ang human trafficking at pangaabuso sa paggawa.

Medical-Worker-Banner_10052022

ALAMIN ANG IYONG MGA KARAPATAN

Naniniwala kami na ang iyong pagpunta sa Estados Unidos ay magiging kapaki-pakinabang. Gayon man, kung sakali na may masamang sitwasyon kang haharapin, mayroon kang mga karapatan at makakakuha ka ng tulong!

Ikaw ay may Karapatang:

  • Tumanggap ng makatwirang sahod 
  • Maging malaya mula sa diskriminasyon 
  • Maging malaya mula sa sexual harassment at sexual exploitation 
  • Magkaroon ng mabuti sa kalusugan at ligtas sa panganib na lugar ng trabaho 
  • Humingi ng tulong sa mga unyon at sa mga immigrant at labor rights groups 
  • Umalis sa isang mapang-abusong sitwasyon sa trabaho

KUNG IKAW AY MINAMALTRATO, TUMAWAG SA NATIONAL HUMAN TRAFFICKING HOTLINE SA 1-888-373-7888 (SA LOOB NG ESTADOS UNIDOS), MAG-TEXT NG “HELP” SA 233733 (SA LOOB NG ESTADOS UNIDOS) O MAG-EMAIL SA NHTRC@POLARISPROJECT.ORG.

MAY MGA ESPESYALISTA NA HANDANG MAGBIGAY NG TULONG SA HIGIT NA 200 WIKA. HINDI KINAKAILANGANG MAGPAKILALA O MAGBIGAY NG PANGALAN. TINGNAN ANG WWW.TRAFFICKINGRESOURCECENTER.ORG PARA SA KARAGDAGANG IMPORMASYON.

Kung ikaw ay nasa direktang panganib, tumawag ng pulis sa 911 (sa loob ng Estados Unidos). Sabihin sa kanila kung ano ang emergency, kung nasaan ka, at ang telephone number na kung saan tumatawag. Humingi ng interpreter kung hindi marunong mag-Ingles. Pagdating ng pulis, ipakita sa kanila ang pamphlet na ito at sabihin sa kanila ang pangaabusong iyong naranasan.

Kung ikaw ay tumanggap ng nonimmigrant A-3, G-5, H, J, NATO-7, o B-1 Domestic Worker visa, dapat kang bigyan ng pamphlet na ito sa araw ng iyong interview. Kailangang kumpirmahin ng consular officer na natanggap, nabasa at naiintindihan mo ang nilalaman ng itong pamphlet bago ka makatanggap ng visa. Kung hindi, dapat kang bigyan ng consular officer nitong pamphlet at dapat pag-usapan ninyo ito. At saka, dapat sagutin ng consular officer ang iyong mga tanong tungkol sa impormasyon sa pamphlet.

1664993056139.png

ANG IYONG MGA KARAPATAN ANUPAMAN ANG IYONG VISA STATUS

Kung ikaw ay naniniwala na nalabag ang iyong karapatan, ireport ito sa isang ahensya ng gobyerno, unyon, non-governmental organization (NGO) o sa ibang organisasyon na makakatulong sa iyo. Humingi ng interpreter kung hindi marunong mag-Ingles.

1. Ang Karapatan Mong Makatanggap ng Makatwirang Sahod

  • Karapatan mong bayaran ka sa lahat ng ginagawa mong trabaho.
  • Karapatan mong kumita nang hindi bababa sa ligal na federal minimum wage para sa karamihan ng trabaho. Tingnan ang www.dol.gov/agencies/whd/minimum-wage para sa kasalukuyang federl minimaum wage.
  • Karapatan mong kumita nang mas mataas sa federal minimum wage kung:
    • Ikaw ay nagtatrabaho sa isang estado, lungsod, o county na mas mataas ang minimum wage.
    • Inuutos sa iyong kontrata sa trabaho/visa program ang mas mataas na sahod.
  • Dapat kang bayaran ng overtime pay kung ikaw ay nagtrabaho ng higit sa 40 oras sa isang linggo. Ang overtime pay ay isa at kalahati (1.5) ng halaga ng iyong regular na sahod bawa’t oras (hourly rate). Halimbawa, kung ang iyong regular na sahod ay $10 bawa’t oras, dapat kang bayaran ng $15 para sa bawa’t oras ng trabaho na higit sa 40 oras sa loob ng isang linggo.
  • Deduction ang tawag sa perang ikinakaltas sa iyong paycheck. Kailangang tukuyin at linawin ng iyong employer ang bawa’t deduction na kinakaltas sa iyong paycheck.

TIP: Dalhin mo ang pamphlet na ito sa iyong pagpunta sa Estados Unidos para masangguni anumang oras.

Field-Worker-Banner_10052022

TIP: Depende sa tagal ng iyong pananatili sa Estados Unidos, maaaring i-require ka na magkaroon ng health insurance habang nasa Estados Unidos. Maaaring maging kwalipikado ka para sa tulong pinansyal para sa mas mababang singil sa health insurance.

  • Maaaring labag sa batas ang mga deduction kung ang natitira sa iyong sahod ay mas mababa pa sa legally required wage rate pagkatapos ng deduction. Karaniwang hindi maaaring ibawas ang gastos para sa mga uniporme, kagamitang pangkaligtasan, mga kinakailangang kasangkapan, mga supply, mga kagamitan o recruitment fees. Para sa ilang mga kategorya ng visa, ang employer ay dapat magbigay ng libreng tirahan.
  • Kasama sa mga ligal na deductions ay ang mga pinili mong ibawas sa iyong sahod gaya ng health insurance, butaw sa unyon, o mga wage advances. Ligal din ang mga deductions na inuutos ng korte para sa sustento sa bata (child support) o alimony, o sa bankruptcy. Bukod sa ilang mga eksepsyon, ang mga nonimmigrant visa holders na nagtatrabaho sa Estados Unidos ay kailangang magbayad ng buwis sa gobyerno pederal at estado at mga buwis sa pagtatrabaho. Maaaring magkasundo kayo ng iyong employer kung ikakaltas sa iyong paycheck ang babayaran mong buwis. Karaniwang deretsong ikinakaltas ng employer sa iyong paycheck ang mga buwis sa pagtrabaho, kasama ang mga buwis sa Social Security at Medicare.

2. Ang Karapatan Mong Maging Malaya mula sa Diskriminasyon

  • Labag sa batas na tratuhin kang iba o mali ng iyong employer dahil sa iyong edad (kung ikaw ay may edad 40 pataas), kasarian, lahi, bansang pinagmulan at etnisidad, kulay, relihiyon, genetic information (kasama na ang medical history ng pamilya), o kapansanan.
  • Hindi ka maaaring tratuhin ng kakaiba dahil ikaw ay isang babae o dahil ikaw ay buntis, nagpapasuso, o maaaring mabuntis.

3. Ang Karapatan Mong Maging Malaya mula sa Sexual Harassment at Sexual Exploitation

  • Labag sa batas ang sexual harassment mula sa employer. Ang iyong employer ay hindi dapat magsalita ng sexual patungo sa iyo o magbigay ng anumang komentaryo batay sa kasarian.
  • Labag sa batas para sa iyong employer na gamitin ka nang sexual, kabilang ang:
    • Pagpilit o pag-uutos sa iyo na gumawa ng anumang sexual act
    • Paghawak o paghipo sa iyo sa sexual na paraan
    • Pamimilit, panloloko o pananakot na gumawa ka ng anumang sexual act.

4. Ang Karapatan Mong Magkaroon ng Mabuti sa Kalusugan at Ligtas sa Panganib sa Iyong Lugar ng Trabaho

Bilang isang manggagawa sa Estados Unidos, ikaw ay may karapatan sa mga kondisyon sa trabaho na ligtas sa panganib at mabuti sa kalusugan kabilang ang;

  • Paggamot: May karapatan ka na ireport sa iyong employer ang mga pagkakapinsala at pagkakasakit na kaugnay sa trabaho. Maaari kang magpagamot kung ikaw ay mapinsala o magkasakit sa trabaho. Sa kalimitan, para sa mga pagkakapinsala o pagkakasakit na kaugnay sa trabaho, kailangang bayaran ng iyong employer ang pagpapagamot at bahagi ng nawalang sahod habang may pinsala. Maaari kang mag-file ng workers’ compensation (bayad sa mga manggagawa) sa estado na kung saan ka nagtatrabaho.
  • Kagamitang Pangkaligtasan: Kung ikaw ay gumagamit ng pesticide o nalalantad sa pesticide o mga mapanganib na kemikal sa trabaho, kailangang bayaran at maglaan ang iyong employer ng kagamitang pangkaligtasan na kinakailangan para sa trabaho (gaya ng respirator o mga guwantes).
  • Pagsasanay: Ikaw ay may karapatang makatanggap ng mga impormasyon at pagsasanay tungkol sa mga panganib, mga paraan upang maiwasan ang mga ito, at mga pamantayan para sa kaligtasan at kalusugan na naaayon sa lugar ng iyong trabaho. Ang mga pagsasanay na ito ay dapat nasa wika at bokabularyo na madali mong intindihin.
  • Pabahay: Kung ikaw ay pagkalooban ng iyong employer ng bahay na matutuluyan, ito ay dapat malinis at ligtas sa panganib. Kailangang malaya kang makaalis ng tirahan sa mga oras na hindi ka nagtatrabaho.

TIP: Bago ka umalis papuntang Estados Unidos, humingi ng payo sa mga organisasyon ng migrant workers (mga manggagawang dayuhan) o sa mga dating migrant workers. Mabibigyan ka nila ng mga pangalan at mga numero ng mga tao o mga organisasyon na maaari kang makipag ugnayan kung meron kang mga problema o mga tanong kapag ikaw ay nasa Estados Unidos.

Kitchen-Worker-Banner_10052022

  • Mga Banyo: Kailangang malinis at magagamit ang mga banyo. Kailangang pahintulutan ka ng iyong employer na magamit ang mga banyo kapag kinakailangan.
  • Tubig na Maiinom: Ikaw ay may karapatang uminom ng tubig na malinis.
  • Sabon at Malinis na Tubig: Ikaw ay may karapatang gumamit ng tubig at sabon sa paghugas ng iyong mga kamay gaya ng kinakailangan pagkatapos mong humawak ng mga pesticide/ kemikal, pati ang mga gulay o prutas na nalagyan ng mga pesticide/ kemikal.
  • Mga Emergency na Pangmedikal: Maaaring bayaran ang mga nagastos mo, kaya kailangan ipagbigay alam agad sa iyong employer ang tungkol sa iyong injury o pagkakasakit upang mai-file ng employer mo ang mga papeles na kinakailangan. Kapag ikaw ay nasa doctor, clinic, o ospital, humingi ng mga kopya ng mga papeles na naaayon sa iyong injury o pagkakasakit.

Kung ikaw ay gumagamit o nalalantad sa mga pesticide o mga mapanganib na kemikal:

  • Ikaw ay may karapatang malaman at maintindihan ang mga kemikal na ginagamit sa trabaho at kailangan mabigyan ka ng iyong employer ng bayad na pagsasanay tungkol sa mga kemikal sa lugar ng trabaho.
  • Dapat sabihin sa iyo ng iyong employer kung saan at kailan nagbobomba ng mga pesticide at kung kailan ligtas na pumasok muli sa lugar na binombahan para maiwasan ang hindi sinasadyang pag-eexpose. Huwag manatili sa isang lugar na binobombahan ng mga pesticide.

1696963694211.png

5. Ang Karapatan mong Humingi ng Tulong sa Unyon, mga Grupo ukol sa mga Karapatan ng mga Immigrant, at mga Karapatan ng Manggagawa

  • Bukod sa ilang mga eksepsyon, may karapatan kang magsamasama sa iyong mga katrabaho para hilingin sa iyong employer ang pagpapataas ng sahod o pagpapabuti ng kondisyon sa trabaho. Ang karamihan ng mga manggagawa ay mayroon ding karapatang magtatag ng, sumali sa, at suportahan ang isang unyon sa iyong lugar ng trabaho.
  • Sa oras ng iyong pahinga o day off, maaari kang dumalo sa mga pampublikong talumpati, mga rally at demonstrasyon na sinusuportahan ang pagtaas sa sahod o ang mas mabuting mga kondisyon sa trabaho.
  • Karapatan mo ito maging anuman ang iyong immigration status. Hindi maaaring may gawin laban sa iyo ang iyong employer dahil pinaninindigan mo ang iyong mga karapatan.

6. Ang Karapatan Mong Iwanan ang Mapang-abusong Sitwasyon sa Trabaho

  • Ang pinakaimportante ay makahanap ka ng kaligtasan kung ikaw ay inaabuso. Hindi mo kailangang manatili sa iyong trabaho kung ikaw ay inaabuso ng iyong employer.
  • Bagama’t magiging invalid na ang visa status mo kung aalis ka sa iyong employer, baka puwede mong palitan ang status ng visa mo o ang iyong employer. Maaaring kailangan mong umalis sa Estados Unidos para gawin ito. Kahit invalid na ang visa mo, maari ka pa ring makakuha ng tulong sa oras na iwanan mo ang isang mapangabusong employer.
  • Maaari kang magharap ng pormal na reklamo o idemanda ang iyong employer habang ikaw ay nagtatrabaho sa kanya o pagkatapos mong umalis. Lumalabag sa batas ang iyong employer kung siya ay may gawin (o maghiganti) laban sa iyo dahil sa ginawa mo.

TIP: Maaaring may kinakampihang panig (bias) ang payo ng iyong employer, kontratista o recruiter sa batas. Makipag-ugnayan sa abogado na walang kinakampihan.

MGA KARAGDAGANG KARAPATAN BATAY SA IYONG NONIMMIGRANT STATUS

A-3, G-5, NATO-7, at B-1 Domestic/Personal na Manggagawa

  • Ikaw ay kailangang mabigyan ng kontrata ng iyong employer na sumusunod sa batas ng Estados Unidos.
  • Kailangang nakasulat sa kontrata ang halagang ibabayad sa B-1 Domestic/Personal employee para sa bawa’t oras ng trabaho. Kailangan ang bayad para sa bawa’t oras ng trabaho ay ang pinakamataas na minimum wage alinsunod sa gobyerno pederal ng Estados Unidos, ng estado, o ng batas ng lungsod.
  • Kailangan kang bigyan ng iyong employer ng kontrata na nakasulat sa wikang naiintindihan mo. Siguraduhin na naiintindihan mo ang nakasaad sa kontrata at huwag pirmahan ang isang dokumento kung hindi mo alam kung ano ang nakasulat dito.

Karagdagang mga kinakailangan para sa A-3, G-5, at NATO-7 Domestic na Manggagawa

Kailangang kasama sa kontrata ang hindi kumukulang sa sumusunod na mga punto:

  • Pagsang-ayon ng iyong employer na sundin ang lahat ng batas ng Estados Unidos;
  • Impormasyon kung gaano kadalas ang pagpapasahod sa iyo at ang klase ng pagbayad sa iyo, mga gawain, ilang oras na pagtatrabaho sa isang lingo, mga piyesta opisyal (holidays), mga sick leave at mga araw ng bakasyon; at
  • Pagsang-ayon ng iyong employer na hindi kukunin sa iyo ang iyong pasaporte, kontrata sa pagtrabaho, o ibang personal na gamit na pagmamay-ari mo.

H-2A Temporary Agricultural Worker Visas

  • Hindi ka dapat magbigay ng anumang bayad sa isang labor recruiter.
  • Dapat kang makatanggap ng kontrata sa pagtrabaho na nakasulat sa wikang naiintindihan mo. Dapat nakasulat sa kontrata ang detalyadong impormasyon tungkol sa sahod, tagal ng trabaho, mga oras ng trabaho, mga benepisyo (kasama ang transportasyon, pabahay at pagkain o mga pasilidad para paglutuan), at anumang mga bawas sa iyong sahod.

1696953767610.png

TIP: Dapat kang bayaran ng iyong employer sa takdang panahon. Sa Estados Unidos, kadalasang sumasahod ang isang empleyado tuwing dalawang linggo.

  • May karapatan kang bayaran ng makatwirang sahod kahit ang bayad sa iyo ay para sa bawa’t piraso (piece rate).
  • Ang iyong employer ay dapat magbigay ng pangtransportasyon o bayaran ang papunta at pang-araw-araw na gastusin sa pangkabuhayan mula sa lugar na pinanggalingan hanggang makarating sa lugar ng trabaho, o bayaran ang inabonohan mo para sa mga gastos hanggang makakalahati ka ng iyong kontrata sa trabaho. Sa oras na nakumpleto mo ang kontrata sa trabaho, kailangang magbigay ng pangtransportasyon o bayaran ang pabalik at pang-araw-araw na gastusin mula sa lugar ng trabaho patungo sa lugar na kung saan ka umalis para magtrabaho sa employer. Maaaring kailanganin ding bayaran ng iyong employer ang iyong pamasahe papunta at ang mga ginastos sa visa sa unang linggo ng trabaho kung ang iyong sahod, bawas ang iyong mga gastos, ay wala pa sa U.S. minimum wage. Kailangang bigyan ka rin ng employer ng libreng transportasyon mula sa pinagkaloob sa iyong pabahay patungo sa lugar ng trabaho.
  • Hindi mo kinakailangan magbayad ng buwis para sa U.S. Social Security at Medicare para sa sahod na binayad sa iyo kapalit ng serbisyo mo bilang H-2A worker.
  • Sa karaniwan, dapat kang bigyan ng iyong employer ng trabaho na may kabuuang oras na hindi bababa sa ¾ na mga araw ng trabaho sa isang contract period.

Nurse-Banner_10052022

H-2B Temporary Non-Agricultural Worker Visas

  • Hindi ka dapat magbigay ng anumang bayad sa isang labor recruiter.
  • Dapat kang makatanggap ng job order na nakasulat sa wikang naiintindihan mo. Dapat nakasulat dito ang detalyadong impormasyon tungkol sa sahod, tagal ng trabaho, mga oras ng trabaho, mga benepisyo (kasama ang transportasyon, pabahay at pagkain o mga pasilidad para paglutuan), at anumang mga bawas sa iyong sahod.
  • Sa karaniwan, dapat kang alukin ng iyong employer ng trabaho na may kabuuang oras na hindi kumukulang sa ¾ ng mga araw ng trabaho sa bawa’t 12 linggo.
  • May karapatan ka sa makatwirang sahod kahit ang bayad sa iyo ay para sa bawa’t piraso (piece rate).
  • Ang employer mo ay kailangang magbigay ng pangtransportasyon o bayaran ang iyong inabonohan para sa transportasyong papunta at sa pang-araw-araw na pangkabuhayan mula sa ibang bansa sa oras na nakumpleto mo ang kalahati ng panahon ng kontrata. At saka kailangang bayaran ng iyong employer ang mga gastos sa iyong transportasyon pauwi, kasama ang para sa pang-araw-araw na pangkabuhayan, kung nakumpleto mo ang panahon ng trabaho o kung ikaw ay pinatalsik ng iyong employer sa anumang dahilan bago sa katapusan ng iyong otorisadong panahon ng trabaho. Maaaring kailangan ring bayaran ng iyong employer ang pamasahe mo papunta at mga ginastos sa visa sa unang linggo ng trabaho kung ang sahod mo bawas ang iyong mga gastos ay wala pa sa U.S. minimum wage.

J-1 Exchange Visitor Visas

  • Pinaliliwanag ng iyong inaprubahang DS-2019 ang mga petsa ng iyong programa, kategorya ng exchange, ang pangalan ng iyong sponsor, at ang host kung saan gaganapin ang iyong exchange program.
  • Dapat igsaktong maipaliwanag sa iyo ng iyong sponsor ang lahat ng mga gastos, mga kundisyon, at mga pagbabawal sa iyong exchange program.

Summer Work Travel (Paglalakbay na Trabaho sa Summer)

Kung wala kang “pre-placed employment”, dapat tulungan ka ng iyong sponsor na makahanap ng trabaho pagdating mo sa Estados Unidos.

Intern o Trainee

  • Kinakailangan kang interbyuhin ng iyong sponsor nang personal, sa telepono, o sa pamamagitan ng web camera.
  • Kailangan kang bigyan ng iyong sponsor ng “intern or trainee placement plan” (DS-7002) kung saan nakalagay ang detalye ng sahod na iyong matatanggap at ang kabuuan ng layunin ng pagsasanay ng programa. Dapat kang bigyan ng hindi kumukulang sa 32 oras na trabaho sa bawa’t linggo.
  • Dapat kang bigyan ng iyong sponsor ng nakasulat na ulat ng mga gastos at mga singil na kailangan mong bayaran at ng estimate ng mga gastos sa pamumuhay sa Estados Unidos.
  • Kailangan siguraduhin ng iyong sponsor na meron kang medical insurance, ngunit hindi kinakailangang ang iyong sponsor ang magbigay o magbayad nito.

Au Pair:

  • Dapat kang tulungan ng iyong host family para makapag-enroll at makapasok sa isang postsecondary institution at bayaran ang hanggang $500 sa mga gastos para sa iyong mga klase.
  • Hindi mo kinakailangang magtrabaho ng higit sa 10 oras bawa’t araw o 45 oras bawa’t linggo.
  • Ang iyong counselor ay kinakailangang regular na kinokontak ka at ang iyong host family.

TIP: Bago ka bumiyahe, gumawa ng dalawang kopya ng lahat ng iyong importanteng dokumento, lalo na ang iyong pasaporte at U.S. visa, ng iyong kontrata sa trabaho, at anumang karagdagang mga dokumento ng pagkakakilanlan (IDs). Ibigay ang isang set nitong mga kopya sa isang taong pinagkakatiwalaan mo sa iyong bansa, at dalhin mo ang pangalawang set.

ANG IYONG NONIMMIGRANT VISA

Ang nonimmigrant visa ay isang dokumento ng gobyerno ng Estados Unidos na nagpapahintulot sa mga taong nagbibiyahe sa Estados Unidos na humiling na makapasok para sa isang partikular na layunin, kabilang ang magtrabaho, mag-aral, o sumali sa isang cultural exchange program. Kailangan mong mag-apply para sa visa sa isang embahada o konsulado ng Estados Unidos na nasa ibang bansa. Sa panahong matanggap mo ang iyong nonimmigrant visa, ikaw ay maaaring magbiyahe papunta sa Estados Unidos at ipakita ito sa opisyal ng U.S. immigration para papasukin sa bansa. Kapag expired na ang iyong visa, kailangan mong kumuha ng bagong visa bago muling makapasok sa Estados Unidos.

Sa panahong ikaw ay pumasok ng Estados Unidos, tatatakan ng isang immigration officer ang iyong pasaporte at isusulat ang petsa ng iyong pagpasok, klase ng pagpasok at petsang “admit until”. Ikaw ay kailangan lumabas ng Estados Unidos bago ng petsang “admit until” sa iyong I-94 para manatiling ikaw ay nasa legal status maliban kung ikaw ay mag-file ng extension sa U.S. Citizenship and Immigration Services. Maaari mong tingnan ang iyong I-94 record sa https://i94.cbp.dhs.gov.

TIP: Pagdating mo sa Estados Unidos, ilagay ang iyong pasaporte at ibang mga dokumento sa pagbiyahe sa isang ligtas na lugar na makukuha mo sa anumang oras. Paglabag sa batas para sa iyong employer na kunin ang iyong pasaporte.

HUMAN TRAFFICKING

Ang mga biktima ng human trafficking ay may karapatang makatanggap ng mga proteksyon at mga serbisyo, at maaaring karapat-dapat sa ilang mga benepisyong pampubliko. Ang human trafficking ay isang krimen na ginagamit ang mga bata para sa commercial sex, ng mga nasa hustong gulang para sa commercial sex sa pamamagitan ng paggamit ng dahas, pandaraya, o pagpilit sa pamamagitan ng pananakot, at ng sinumang tao para magtrabaho nang sapilitan. Ang mga gumagawa ng ganitong mga pagsasamantala na maaaring kabilang ang mga labor trafficker, mga bugaw at mga parokyano ng sex trafficking, ay maaaring usigin alinsunod sa mga batas ng gobyerno pederal at ng estado na laban sa trafficking. Ang mga labor trafficker at sex trafficker ay maaaring sampahan ng kasong kriminal at civil liability. Ang sumusunod ay ilan sa mga babalang maaaring nagpapakita ng human trafficking.

Mga Pagbabanta at Pananakot

Maaaring gamitin ng mga trafficker, at ng mga taong tumutulong sa kanila ang mga pagbabanta at iba pang mga pananakot para ikaw o ang ibang tao ay takot na takot na subukang tumakas. Halimbawa:

  • Panggugulpi, pisikal na pananakit, o pang-abusong sexual;
  • Mga pagbabanta ng panggugulpi, pisikal na pananakit, o ng pangabusong sexual;
  • Sapilitang pagkulong o pagpigil sa pag-alis ng manggagawa sa lugar ng trabaho o tirahan;
  • Mga pagbabanta na sasaktan ka o ang iyong pamilya kung subukan mong umalis, magreklamo na ikaw ay minamaltrato, magreport ng sitwasyon sa mga awtoridad, o humingi ng 
  • Mga pagbabanta na ikaw ay maaaring ipa-deport o arestuhin dahil sa paghingi ng tulong; o
  • Mga pagbabanta o pananakit sa ibang mga manggagawa na nagtangkang umalis, nagreklamo, nagreport ng kanilang sitwasyon o humingi ng tulong, o ang mga pagbabanta na sinumang magtangkang tumakas ay hahanapin at ibabalik.

Utang

Maaaring iutos ng mga trafficker at ng mga taong tumutulong sa kanila, na ikaw ay gumanap ng mga trabaho, mga serbisyo o ng mga gawang commercial sex (prostitusyon) para bayaran ang utang. Sa ilang mga pagkakataon, ang trafficker ang may likha ng utang at nagpataw nito. Paglabag sa batas na gamitin ang pagkakautang para ikaw ay pilitin na magpatuloy na gumanap ng mga trabaho, mga serbisyo o ng mga gawang commercial sex (prostitusyon), o hadlangan kang umalis. Maaaring i-manipulate ng mga trafficker ang iyong pagkakautang para gawing mas mahirap mabayaran at maging dahilan na ikaw ay maniwalang kailangan mong manatiling naglilingkod sa trafficker hanggang mabayaran ang utang. Kabilang sa mga halimbawa ng pagma-manipulate ng mga pagkakautang:

  • Pagpapatupad ng pautang na mahirap o imposibleng mabayaran sa makatwirang panahon at hindi akma sa iyong kikitain;
  • Pagpapatupad ng pautang na hindi mo paunang sinang-ayunan o mas mataas sa pautang na iyong sinang-ayunan;
  • Pagtangging gamitin ang iyong mga sahod na pambayad sa pautang;
  • Pagtangging sabihin kung gaano ka katagal mananatiling maglilingkod sa trafficker bago mabayaran ang pautang;
  • Pagdagdag ng mga singil para sa transportasyon, pabahay, pagkain, at pagsingil sa pautang na hindi mo paunang sinang-ayunan; at
  • Pagdagdag ng mga singil o multa para sa paglabag sa mga patakaran, dahil hindi kumikita nang sapat, o dahil sa hindi paggawa nang sapat ang trabaho, serbisyo o mga gawaing commercial sex.

TIP: Magkaroon ng isang detalyadong rekord ng anumang di-naaangkop na puna at/o ginawa ng iyong employer laban sa iyo at isulat ang mga pangalan at mga telephone numbers ng sinumang mga nakasaksi.

Mga Patakaran at Mga Pagkontrol

Maaaring gamitin ng mga trafficker, at ng mga taong tumutulong sa kanila, ang mga patakaran at mga pagkontrol para gawing mas mahirap para sa iyo at ibang tao na umalis, magreklamo, o humingi ng tulong. Halimbawa:

  • Mga patakarang nagbabawal sa pag-alis sa lugar ng trabaho, o mahigpit na mga patakaran tungkol sa kung saan ka makakapunta kapag hindi nagtatrabaho;
  • Mga patakarang nagbabawal sa paghawak mo ng iyong pasaporte, visa, sertipiko ng kapanganakan, o ibang mga dokumento ng pagkakakilanlan;
  • Pagkait na makakuha ng sapat na pagkain, tulog, o pagpapagamot;
  • Paghahadlang, pagbabawal o pagmomonitor ng mga pakikipagusap sa iyong pamilya, ibang mga katrabaho, mga customer, o sa ibang mga tao sa labas ng lugar ng trabaho, gaya ng mga legal o social service outreach workers.

Panloloko at mga Kasinungalingan

Maaaring gamitin ng mga trafficker, at ng mga taong tumutulong sa kanila, ang mga panloloko at mga pagsisinungaling. Halimbawa:

  • Mga pangakong kasinungalingan tungkol sa klase ng trabaho, mga oras ng pagtrabaho, mga kondisyon sa trabaho o pabahay, o sa sahod;
  • Pangangako ng mahusay na trabaho pero pinagtatrabaho ka ng mas mahabang oras, sa ilalim ng malulupit na kondisyon, o sa mas mababang sahod kaysa sa pinangako; o
  • Pangangako ng mahusay na trabaho pero pinagagawa ka ng ibang trabaho, mga serbisyo o mga gawang commercial sex. Maaaring kabilang dito ang pangakong bigyan ka ng trabaho bilang nursing professor pero pinipilit kang magtrabaho bilang tauhan sa isang nursing home, o nangakong bigyan ka ng trabaho bilang nanny pero pinipilit kang magtrabaho bilang exotic dancer o mga gawang commercial sex (prostitusyon).
  • Sinasabing ikaw ay walang karapatan;
  • Sinasabing ikaw ay hindi paniniwalaan o na ikaw ay ipadedeport kung subukan mong humingi ng tulong; o
  • Inuutusan kang magsinungaling tungkol sa pagkakilanlan mo sa trafficker.

Ikaw ba ay ipade-deport kung irereport mo ang pag-abuso?

May mga programang nagbibigay proteksyon sa mga taong nagrereport ng pag-abuso. Huwag kang matakot na humingi ng tulong kahit na meron kang mga kinababahala tungkol sa immigration. Dapat kang kumonsulta sa isang abogadong pang-imigrasyon na hindi abogado ng iyong employer.

Kung ikaw ay naniniwala na biktima ka ng human trafficking o ng ibang malubhang krimen, kabilang ang panggagahasa o pananamantalang sexual, maaari kang mag-qualify sa ibang nonimmigrant status, gaya ng “T” (para sa mga biktima ng trafficking) o ng “U” (para sa mga biktima ng trafficking o ibang mga malubhang krimen) nonimmigrant status o kaya’y pahintulutan kang pansamantalang manatili sa Estados Unidos. Ang mga nonimmigrant visa classification na ito ay nilikha para protektahan ang mga biktima. Maraming tao sa Estados Unidos ang hindi nakakaalam tungkol sa T o U nonimmigrant status at maaaring kailangan mong sabihin sa mga taong tumutulong sa iyo ang tungkol sa mga ito.

Anong mga Serbisyo ang Makukuha ng mga Biktima ng Human Trafficking?

  • Ang mga biktima ng trafficking sa Estados Unidos ay maaaring makatanggap ng mga benepisyo, serbisyo at tulong sa imigrasyon alinsunod sa mga programa ng gobyerno pederal o ng estado. Maraming mga organisasyon na maaaring tumulong sa iyo para makuha ang mga serbisyong ito, kabilang ang medical/dental care, mental health care, pabahay, tulong tungkol sa batas ng imigrasyon, at ibang mga kailangang nauukol sa batas, tulong sa trabaho, at mga benepisyong pangmadla.

TIP: Isang magandang ideya ang magkaroon ng record ng lahat ng oras na nagtrabaho ka. Isulat sa isang notebook ang lahat ng mga araw at mga oras na ikaw ay nagtrabaho, magkano ang ibinayad sa iyo, ang mga petsang binayaran ka, anumang mga deduction na binawas sa iyong paycheck, at ang mga dahilan para sa mga deduction.

TINGNAN ANG MGA WEBSITE NA ITO PARA SA KARAGDAGANG IMPORMASYON TUNGKOL SA MGA SUMUSUNOD:

(Ang sumusunod na mga website ay nasa wikang Ingles.)

Proseso sa pag-apply ng U.S. visa at ang iyong U.S. visa: usvisas.state.gov.

Human trafficking: www.state.gov/j/tip.

Ang J-1 visa exchange program: j1visa.state.gov.

Pagkakapantay-pantay at ang karapatan mong maging malaya mula sa diskriminasyon sa trabaho dahil sa iyong lahi, kulay, relihiyon, kasarian (kasama ang pagbubuntis), bansang pinagmulan, edad (40 o mas matanda), kapansanan o genetic information, at paano mag-file ng reklamo tungkol sa diskriminasyon: www.eeoc.gov.

Mga karapatan sa kaligtasan sa trabaho, o kung sa tingin mo ay hindi ligtas sa panganib ang iyong trabaho at gusto mong humiling ng inspection: www.osha.gov.

Paano makukuha ang mga sahod na hindi binayaran ng iyong employerwebapps.dol.gov/wow.

Ang iyong karapatang mabayaran ng makatwiran, kasama ang kung paano mag-file ng reklamo tungkol sa sahod: www.dol.gov/agencies/whd.

Ang iyong karapatang hindi makaranas ng diskriminasyon dahil sa iyong citizenship status at paano mag-file ng reklamo tungkol sa diskriminasyon: www.justice.gov/crt/filing-charge.

Ang iyong karapatang makisali sa ibang manggagawa para sa pagpapataas ng sahod o pagpapabuti ng kondisyon sa trabaho, kabilang kung paano mag-file ng charge: www.nlrb.gov.

Ang iyong mga karapatan, mga obligasyon, at mga eksempsyon sa health insurancelocalhelp.healthcare.gov.

Construction-Worker-Banner_10052022

Nilikha ang pamphlet na ito alinsunod sa Section 202 of the William Wilberforce Trafficking Victims Protection Reauthorization Act of 2008, Public Law 110-457.